OpenStreetMap

Rally's Diary

Recent diary entries

Community Mapping with the Elderly

Posted by Rally on 27 December 2017 in Tagalog.

Noong Disyembre 2, nagkaroon kami ng pagsasanay tungkol sa pagma-mapa ng komunidad sa perspektibo ng mga senior citizens. Ito ay naganap sa tulong ng mga Youth Mappers sa pangunguna ni Pierre Edwin See Tiong, at nilahukan rin ng mga nagmasid na propesor sa Computer Science.

Ang ideya ng aktibidad ay unang nabuo sa pagtutulungan ng dalawang amore: MapAmore (sa pangunguna ni Erwin Olario) at MiAmore Cares (sa pangunguna ni Bing Racadio at pag-ayuda nina Michelle at Elaine), kasama ang ilang myembro ng Junior Philippine Computer Society - FEU Institute of Technology.

Ang pangunahing layunin nito ay makatulong sa pagtataas ng kalidad ng buhay ng mga matatanda lalu na sa sektor ng mahihirap, naaayon sa mga adhikain ng MiAmore Cares. Ito ay para makatulong sa pagpa-panatili ng talas ng isip sa pamamagitan ng aktibong pag-aambag ng kakayanan ng mga matatanda sa kanilang sariling komunidad, ayon sa natatanging pangangailan ng kanilang henerasyon at sektor.

Nagkaroon ng pagbabalangkas sa pagpapahalaga sa pagma-mapa ng sariling komunidad. Ito ay upang makapagbigay sa kanila ng panibagong pananaw sa mga uri ng paggamit ng mapa - ngayon at noong unang panahon; kung paano nakatulong ang makabagong teknolohiya para malayang paggamit ang “mapang ginawa ng komunidad para sa komunidad” at iba pang mga bagay na hindi posible noong araw.

>Area of Interest: kung saan nakatira ang karamihan ng Elderly participants.

MAGKAIBANG PERSPEKTIBO

Hindi inaasahan na ang mga elderly na dumating ay nasa pagitan ng mid-60’s hanggang mid-70’s ang edad. Ipinalagay ko na nabibilang sila sa “silent generation” na ipinanganak noong dekada 1940’s sa Pilipinas.

Medyo magka-iba ang ‘pananaw at pinagdaanan sa buhay’ nila - kumpara sa mas-nakababata at aktibong Baby Boomer elderly (ipinanganak mid-1950’s pababa). Kaya nagkaroon ng pagbabago sa presentasyon.

Ang karamihan sa dumalo ay kababaihan at sa pakiwari ko na mukhang marami ang may limitadong edukasyon at nakaranas ng kahirapan sa buhay. Kaya doon sinubok na i-sentro ang punto de vista ng mga ehemplong ginamit sa pagsasalaysay - naaayon sa lebel ng interes na naaaninag sa kanilang mata habang sila ay nakikinig. (that emotional response to get them engaged). Mababasa mo sa mga mukha nila ang inisyal na pakiramdam habang nakaupo sila sa harap ng mga Desktop PC’s. Ang bulong sa akin ng isang propesor doon ay “good luck!” 🙂

alt text >image: https://twitter.com/modestasu

Sila kasi yung henerasyon na galit gumamit ng komplikadong “remote control.” Alam n’yo na yon kung may kasama kayong lolo o lola sa bahay.

Kaya mas naging dahan-dahan at ma-kwento ang introduksyon sa teknolohiya ukol sa mapa at pagma-mapa.

BOLUNTERISMO AT PAKIKILAHOK SA KOMUNIDAD

Ang pagtuturo sa mga bagong kasanayan (skills) sa matatanda ay hindi nagsisimula sa pagtuturo ng “kung paano gawin (how),” kundi pag-gabay na masagot ang mga tanong na galing sa isip (silent questions) tulad ng:

“Bakit ko kailangan pang gawin at aralin ito? Pwede naman iba na lang. Lipas na ako.”

“Anong meron sa akin na kaya kong pang ibahagi, kaya ko pa ba talaga? (tiwala sa sarili).”

Alam naman natin na dapat malaya, galing sa sariling kagustuhan at kaligayahan ng puso ang pagboboluntaryo o pagtulong sa komunidad.

Ito ang unang pakay at hamon ng aktibidad: na maintindihan nila ang papel na pwedeng gampanan at kung paano pwedeng maibabahagi ang personal na kakayahan sa kinabibibilangang komunidad - maging ito ay pang-pamilya, pang-kapitbahay, pam-bansa at pang-mundo.

Medyo mas “visceral” ang hinahanap nating dahilan: yung mas malalim, malapit sa puso at diwa para gawin ang isang bagay.

ANG MAPA AT ANG REALIDAD

Ipinakita sa mga elderly kung paano nagiging representasyon ng lugar at realidad ng buhay ang mga mapa, at kung paano naiimpluwensyahan ng mapa ang realidad base sa intensyon, “biases”, at perspektibo ng gumuhit nito. Kung paano nila naapektuhan ang isa’t-isa.

alt text >“Drawing Hands” by M.C. Escher 1948

MAPA NOON, MAPA NGAYON

Kung paano ginamit ng mga nasa poder, negosyante at may hawak ng kapangyarihan, magmula pa noon panahon ng Kastila, hanggang sa dumating ang mga Amerikano at Hapon (kung saan kakapanganak pa lang ng mga elderly participants); hanggang ito ay mapasakamay ng karaniwang tao, at umabot sa na “masa” - sa kasalukuyang paggamit ng makabagong teknolohiya sa mapa nitong lumipas na dekada 2000.

Naipaliwanag sa mga elderly na nasa panahon na tayo na mayroon nang kakayanan at karapatan na ang mga regular na tao na makapagdagdag ng mas relevant na impormasyon sa loob ng digital na mapa. Nabanggit na pwedeng ilagay ang mga community features na may halaga sa bawat sektor tulad ng matatanda: mga sentrong pangkalusugan, pook libangan, mga opisinang may kinalaman sa kapakananan ng senior citizens.

Ipinakita kung paano ginagamit ang iD editor sa OpenStreetMap para mag-edit ng mga bagay sa mapa.

Pero ito ay para lang ma-demystify ang nasabing teknolohiya sa mga elderies, na ngayon lang narinig ang salitang “internet.”

Mas minabuti naming maging pamilyar muna sila sa paggamit ng papel na mapa tulad ng Fieldpapers. At iyon ang naging assignments nila.

PAGKUKWENTO NG BUHAY GAMIT ANG MAPA

Natuwa ako ako sa isang facebook post (mula sa mas nakababatang mapper), na may malawak na pananaw sa paggamit ng mapa. ‘nuff said.

Nagkaroon ako ng lakas ng loob na magkwento (ng pagkahaba-haba-haba-haba at personal) 😃😃😃

MGA ISTORYANG ‘MALAPIT SA PUSO’ ANG TULAY NAG-UUGNAY SA MAGKA-IBANG HENERASYON

Paano nga bang malalaman ang pananaw, pinaghuhugutan, at mga bagay na importante sa isang taong galing sa isang partikular na henerasyon tulad ng mga elderly galing sa “Silent Generation.” …lalu na kung hindi na naman nagkaroon ng matagal na immersion sa kanilang komunidad?

“You never really understand a person until you consider things from his point of view – until you climb into his skin and walk around in it.” (To Kill a Mockingbird - Atticus Finch)

Magiging walang saysay ang “Introduction to Mapping”, kung medyo blanko ang mga mukha, naka “kibit-balikat” at parang walang ideya ang mga Elderly sa pag-uusapan. Kung sa palagay nila, na ang unang intensyon ay turuan silang mag-mapa. Minabuti naming magkaroon muna ng swabeng “inception.”

Gamit ang sarili bilang ehemple, nagpakilala ako sa pamamagitan ng pagke-kwento. Isang session ng mga ‘trivia’ kung paano may kinalaman ang ‘mapa’ sa pangyayari, at sa mga desisyon ng tao, sa pamumuhay, sa pagpili ng trabaho, sa paniniwala at iba pang sirkumstansya sa buhay.

Nagkataon namang nasa Sampaloc, Manila ang pinagdadausan (venue) namin, kaya ginamit ko bilang ehemplo ang lugar na ito. Dalawang bloke lang ang layo namin sa Gastambide (ngayon ay Dalupan St.), kung saan nandoon ang Mary Chiles General Hospital, kung saan ako ipinanganak, dalawang taon bago ibagsak ang Martial Law - sa panahong maraming nagugulping aktibista na nagpo-protesta sa Mendiola. Laging “Rally” ang laman ng balita. Oo, na-impluwensyahan ng mga pangyayari ang naging pangalan ko.

Nag-isip na lang ako ng mga kwento kung saan nag-intersect ang henerasyong pinanggalingan ko sa pinanggalingan nila; ito ay sinimulan sa mga lugar na pamilyar.

May mga kwento tungkol sa bawat lugar: tulad na lamang nang mga naunang “mananahi at karpintero” sa bayan ko - na naging dahilan kung bakit sentro ng garments ang Taytay at naging kilala rin sa sash at woodworks; na ayon sa kwento, ay dahilan kung bakit pasigaw mag-usap ang mga tao sa amin - dahil sa ingay ng mga ‘aparato’ ng kahoy). O kung bakit sa Baclaran (Parañaque) pa nagtitinda ng damit ang mga taga-Taytay; at maraming di nakakaalam na ang salitang “paluto” at recipe ng mga “sinigang sa miso” sa Seaside Market ay may impluwensiya ng mga taga-Taytay na mga tindero ng garments sa Baclaran. uh hmm.

O kahit kwento ng musmos, tulad ng pagtataka ko noong bata pa ako: Bakit ang malayong bapor (na may pagkalaki-laking chimenea) na natatanaw ko sa kabila ng dagat (kita mula sa dalampasigan ng Taytay) ay hindi gumagalaw sa mahabang panahon. Nalaman ko na lang na Sucat Power Plant pala yung inakala kong bapor! …nangiti si lolo senior sa likod. Pero ganon ang perspektibo (minsan akala mo katotohanan, pero ilusyon lang pala).

>image: http://mainland.cctt.org/istf2006/images/boat.jpg >image: https://visualtalesblog.files.wordpress.com/2016/10/dsc_0888.jpg

Pinapaalam ko lang sa mga elderly na madalas, mas may alam sa katotohanan ang mga naka-tira (o yung aktibong gumagalaw) sa isang lugar, kaysa sa ekspertong taga labas; at hindi basta pwedeng tawaran ang mga pinagsama-samang personal na karanasan at kaalaman nila sa isang lugar (in reference to the importance of local knowledge in mapping).

Na hindi rin dapat katakutan ang magkamali (sa paggamit ng teknolohiya) dahil pwede itong ulit-ulitin hanggang tumama. Nabanggit ko dito kung paanong ang Wikipedia (katulad rin ng OpenStreetMap) ay patuloy na nagbabago at binabago ang mga mali at kulang na impormasyon, …palapit sa mas tumpak at totoo.

Sa haba-haba ng kwento, dito pa lang nagsimulang magtiwala ang mga elderly na ibahagi ang kanilang natatanging kaalaman; naintindihan rin nila kung gaano ka-importante na marinig ang boses ng kanilag sektor sa pagbuo ng mapa. Na hindi hadlang ang teknolohiya (ni hindi nila kailangan hawakan ang mahiwagang keyboard at mouse na nasa harap nila) para lang makatulong sa komunidad.

Nagsimula silang sumagot at boluntaryong lumahok sa diskusyon kung paanong ang simpleng pagma-mapa, tulad ng ipahanap ko sa kanila ang kanilang mga lugar sa barangay. Nakakatuwa.

LUGAR: MGA TULDOK NA MAY PANGALAN

Pinag-usapan ang mga nakatira sa malayo at liblib na pook sa probinsya, gayon din ang Informal Neighbourhood (urban poor) sa syudad - mga komunidad na hindi dumaan sa pagpa-plano at pahintulot ng gobyerno (o ng pribadong may-ari ng lupa), ito man ay komunidad sa mga sitio, purok, compound o neighborhood association. Napakarami nilang wala sa mapa, at walang nakakaalam maliban sa mga taga-barangay at social workers. Iilan lang ang may interes na magbigay oras para ilagay sila sa mapa.

> Ito ay sample screenshots ng i-mapa ang mga pangalan ng komunidad sa dalampasigan ng isang barangay sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro (sa iba kong proyekto). Hindi sila madaling mapansin (sa ilalim ng mga puno) gamit lang ang satellite imagery. > Sa tulong ng isang smartphone (affordable gps technology), binaybay ang trail ng isang residente doon, at minapa at tinandaan ang pangalan ng mga lugar na may tao. Ngayon, nasa mapa na sila. Gaano ka-importante ang mga tuldok ng lugar at ang sini-simbolo nito?

Sa simpleng tanong sa mga nakikinig na matatanda (tungkol sa halimbawa sa taas): Papaano nga kung may malaking tsunami, o dumating na malakas at mataas na Storm Surge sa dalampasigan (at wala tayong ginawa sa pag-alam ng lokasyon nila, tulad ng di kumpletong mapa ng Leyte at Samar ng humagupit ang Yolanda)?

Pwedeng mawala ang komunidad kasama ang tao at mga bahay, at kainin ng dagat. Walang ng makakapansin, walang ng makakaala kung nasaan ang mga tuldok nila. Wala nang ebidensya pag lipas ng mahabang panahon.

Pwede nating makalimutan ang mga puno at halamang nasira at nawala, pero hindi ang tao. Bawat isa sa kanila at ang komunidad nila - may istorya. Paano pang ike-kwento ang lokal na kasaysayan nila sa mga susunod na henerasyon, kung ni minsan di sila nai-dokumento sa pamamagitan ng mapa? Dahil ba nasa liblib at malayo naman silang mga pook ay di sila ganoong ka-importante?

Nagkataon mula sa Informal Neighborhood, na nakatira pa mandin sa syudad ang mga elderly, pero sila rin ay wala sa mapa! Isang malaking sunog lang, o pwersahang pagpapa-alis, wala nang makakaalala sa istorya na may komunidad na nabuhay dito. Hindi lang karapatan sa bubong at tirahan ang nagbibigay halaga sa buhay, pati ang rin markang naiiwan sa lupang kinatitirikan. Naintindihan nila ang halaga ng mga “tuldok” sa mapa.

Ganun din ang malawak na problema ng kawalan ng “tiyak na address” para sa bawat bahay. Malaki ang importansya nito para sa “benipisyo at karapatan” ng isang naninirahan sa ating bansa, at ganun para sa karampatang “obligasyon at responsibilidad” nila sa gobyerno.

Isang karapatan bilang mamamayan na malaman ang lugar ng eksaktong kinatitirikan ng kanyang tirahan. Obligasyon ng gobyerno na gumawa ng sistema para i-aayos at i-standardize ang bawat address ng bawat lote, bahay at espasyo; at maglagay ng kaukulang registry ng mga unique addresses. Ang problemang ito ay hindi naiintindan ng karaniwang tao sa syudad, kaya hindi napag-uusapan o binibigyang pansin.

>Meron daw “8-blocks” ng mga residente na nakasiksik sa loob ng Aroma Compound, na parte ng Phase 2, na nasa loob ng Greenvale Homes, na nasa loob ng Barangay Marcelo Green. >Dating wala sila sa mapa, ngayon naidagdag na sa OSM.

Pamilyar sa akin ang mga ganitong lugar dahil naging taga-dala kami ng sulat (meron akong messengerial business dati). Sila yung mga komunidad na “salat” sa “proper addresses.” Hindi lang sa pera salat: isang buong komunidad na napakaraming bahay, pero naghihiraman at pinagsasalu-saluhan ang nag-iisang “postal address.”

Ang kawalan ng “verifiable address”, ay kawalan ng rin ng access sa mabilis na serbisyo ng emergency services (ambulansya, pulis, bumbero), pag-apply ng ID, pagbukas ng payroll account sa bangko, pagboto, pag-apply ng loan, pag-aapply ng kuryente at tubig, pagpasok sa estudyante sa eskwela, pagtanggap ng mga benepisyo mula sa gobyerno, delivery ng sulat at packages, census para mapag-aralan ang pangangailangan ng komunidad, etc.

Sa aking karanasan paghanap ng mga tao at bahay (sa aking dating messengerial service) lalu na doon sa mga mahihirap ng purok na walang kompletong address, nangangailangan pang itanong sa “purok leader” kung saan ang bahay ng bawat tao. Ito nagreresulta ng pagkaantala ng serbisyo, pagkawala ng privacy (tulad ng paniningil ng utang, subpoena, fines & penalty, arrest warrant, at iba pang sensitibong bagay) na pwedeng magdulot ng kahihiyan sa tao dahil nalalaman ng kapitbahay (at ni purok leader) ang pakay ng mensahero.

Paano kung nawala na yung purok leader, sinong na ang pagtatanungan? Nangiti lang ako nang sabihin ng isang senior citizen na siya pala mismo ang tinutukoy kong “tanungan” ng kanilang komunidad. Nagka-intindahan agad kami sa pinupunto ko.

Nakita nila ang kahalagahan ng pagsasa-ayos ng mapa. Alam na nila na dapat tulungan rin natin ang gobyerno para malaman kung nasaan ang lokasyon ng mga komunidad, dahil walang nakakaalam kundi sila mismo. Ito ang naging panawagan para mailagay ng mga “tuldok na may pangalan” sa mga open-source na mapa tulad ng OpenStreetMap.

Hindi naman karamihan ang nai-mapa namin na points of interests at neighbourhoods sa loob ng kanilang barangay, gamit ang simpleng whiteboard marker pang-trace sa projected image ng mapa sa salamin, habang ine-edit ito ng Youth Mapper sa OSM iD editor.

Pero ang importanteng nangyari ay ang naging maalab ang interes at pagpapahalaga ng mga elderly sa mga bagong natutunan. Ang pagkawala ng agam-agam at takot sa teknolohiya. Ang pagkakaroon tiwala sa kakayahan bilang pangunahing pagkukunan ng lokal na kaalaman (local knowledge) sa kanya-kanyang komunidad.

MGA PINAGHUGUTAN

PERSPEKTIBO: KINABIBILANGANG SEKTOR AT HENERASYON

Hindi ako ekperto sa usapin ng kahirapan. Ang alam ko, hindi lang ito dulot ng pagiging “salat sa salapi,” kundi pati sa iba’t-ibang klaseng bagay: merong dulot ng kakulangan sa edukasyon, merong minalas sa kalusugan, kinulang sa oportunidad, merong naitaboy ng tadhana sa ibang lugar, o talagang minalas lang na nabuhay sa maling lugar at maling panahon. Para lang halaman na kinulang sa dilig at pag-aalaga, o nakatanim sa maling klase ng lupa… kaya hindi lumago at hindi namunga ng maayos. Sila yung mga laging dumadaan sa sitwasyon na wala kang pag-isuran, o nakaranas ng “walang kasiguraduhan” …kung aabot ba ang sweldo bago magkatapusan, kung makakabili ba ng gamot, o mababayaran ang tuition fee bago mag-exam, kung palalayasin ba sa kinatitirikan ng bahay, kung may mahahanap na trabaho matapos ang kontrata, kung may maaalaga ba sa pagtanda, etc…

>Ang nag-iisang lolo-mapper, at pinakamatandang lola-mapper (87 years old)

PERSPEKTIBO: PINAGDAANAN, EDAD, KASARIAN, SEKTOR

MUKHA NG KAHIRAPAN, AT MGA NANGYARI SA PAMILYAR NA LUGAR

Para sa mga senior citizens na ipinanganak pagkatapos lang ng panahon ng hapon, medyo nagkaroon agad ako ng ideya sa akitibidad base sa pananaw nila at lebel ng lenguahe na gagamitin. Lalu na ng sabihin sa akin ni Michelle (ng MiAmore Cares) na kung pwedeng sa “tagalog” (ang presentasyon)… Nagkataon nakatira ako sa bahay ng dalawang senior citizens galing sa parehong henerasyon. Uh hmm, alam na.

At nagkataon naman parehas kami ng probinsiya: Rizal. Taga-Taytay ako at taga-Parañaque ang mga elderly (na dating parte ng Rizal). “Tubig ng lawa” lang ang namamagitan sa dalawang bayan namin. Inisip ko na halos iisa ang mukha ng kahirapan sa mga karatig bayan ng Maynila noong panahon nila, kaya naman medyo madali kong napagdugtong-dugtong ang mga kwento na relevant sa kanila.

habang nag-aantay na dumating ang pizza

Pero meron akong hindi na kailangan ikwento noong araw na yon (dahil bukod sa mahaba), na sa aking palagay pamilyar naman ang mga matatanda at hindi nalalayo sa kanilang pinagdaanan.

Ito ay karanasan ng maraming ipinanganak noong dekada 1940’s. Dito naka-”frame” ang aktibidad; hindi lang base sa “edad”, kundi sa pinagdaanan. Isang istorya ng kahirapan…

May babaeng ipinanganak sa Taytay noong 1942. Pang-lima siya sa siyam na magkakapatid (limang babae, apat na lalaki). Ang tinderang nanay n’ya ay dumadayo pa papuntang San Juan, Rizal mula Taytay para maglako lang ng isda. Pang-karaniwan ang maging-mahirap sa kanilang lugar, at hindi prayoridad ng isang magulang na pag-aralin pa ang mga anak na babae pag lampas ng elementarya - dahil kamo “mag-aasawa lang naman yan…”

>Di tulad ng nasa litrato dito (sa Tondo Primary School), mas-payak ang suot at naka-yapak lang ang mga estudyante noon sa Rizal. >image: https://i.pinimg.com/736x/d2/4b/57/d24b57e1726b124984a6666f1acb1053.jpg

Matapos ang bata sa pag-aaral sa elemetarya, sa murang edad na 12 isa na syang independyenteng “manananahi” (puhunan galing sa “paluwagan”). Obligasyon na niya na makatulong sa pag-aaral ng mga lalaking kapatid. Mananahi sya pag tag-araw. Sumasakay sa trak mag-isa (bus) paluwas at bitbit ang mga damit na tinahi para itininda sa may Crame, Kamuning, Singgalong, at iba pang lugar. At pag tag-ulan, taga-tanim naman siya ng palay (uso na “outsourcing” noon). Umaabot sila ng pagtatanim hanggang sa may “Ilog Tapayan” bago sumapit sa Lupang Arenda (boundary ng Pasig). Madalas siyang mahulog sa pagtakbo sa mataas na pilapil sa takot at pagmamadali pauwi pabalik ng bayan para hindi abutin ng dilim.

Isang araw, inatake sa puso ang kanyang ama habang “namamaklad” sa lawa. Buti may nakakita sa naghihingalong ama, at naihatid pa ito sa dalampasigan ng Tayuman (Binangonan). Humingi ng tulong sa bayan ng Taytay, at may mabuting pamilyang nagpahiram ng kotse para sunduin ang kanyang ama at ihatid sa Rizal Provincial Hospital sa Pasig. Pero hindi rin pinalad at binawian ng buhay. Hindi mailabas ang katawan ng ama sa kawalan ng pangtubos.

Pamilyar ang ganitong istorya ng kagipitan dulot ng kahirapan. Buti pa ngayon, kahit papaano meron malalapitang charitable institution o mga pulitikong pwedeng hingan ng tulong. Noon dahil walang pag-iwasan, itinakas ang bangkay sa ospital. Tinakpan ang kanyang ama ng mga pinag-tastasan sa construction materials sa isang truck para magmukhang naghahakot lang na basura. Hanggang ngayon, may hapdi pa rin sa puso at awa sa sarili pag naaaala-ala ang mga eksenang ito.

Napakasakit para sa isang nagsusumikap na dalagita na makita ang ataol ng kanyang ama - sa kawalan ng pambili ng disenteng kabaong, ay gawa lamang sa mga pinutol na plywood sa tulong ng mga kaibigang karpintero. Ang dignidad sa pagkamatay ay pinahahalagahan ng isang mahirap (kahit naman sino sa anong henerasyon). Ang naging konswelo na lang nila: ang dami ng mga taong nakipag-libing sa ama. Mga kaibigan nakiramay na lang ang natitirang yaman nila sa buhay.

“Nanilbihan” siya ng ilang panahon sa pamilyang tumulong sa paghatid sa kanyang ama sa ospital; iyon ang utos ng kanyang ina. Ayaw magpabayad ng ina sa serbisyo ng anak (bilang pagtanaw ng utang na loob sa tulong sa pagpagamit ng kotse). Hindi ko masyadong maabot ang konsepto nila ng “utang na loob” noong mga panahong iyon… pero ganun sila.

Malungkot tuwing sasapit ang pasko, dahil ito ang nagpapaalala ng kanilang kahirapan; maraming bagay na nagpapatakam lang at hindi kayang bilhin. Pero hindi naman doon nagtapos ang istorya ng batang babae. Dahil masipag at masunurin, tinuruan siya ng mayamang pamilya kung paano maka-tipid at maka-ipon, kung paano makipagkapwa, kahalagan ng palabra de honor, ang magsumikap at iba pang aral sa buhay na hindi niya matutunan sa eskwela.

Napagtagumpayan nya ang kahirapan, habang patuloy ang pagtanaw ng utang na loob sa lahat ng taong tumulong sa kanya …hanggang ngayon. Konserbatibo pa rin sa pananaw. Ipinangako nya noon sa sarili na papag-aralin mabuti ang kanyang mga anak. Naka-ipon at nakapag-pundar naman kahit paano, nakarating na rin kung saan-saan. Naging lola na rin sa wakas, biniyayaan ng maraming apo, at ngayong taon masayang nagdiwang ng kanyang ika-75 edad. Dapat sana ay pa-relax-relax na lang, pero masipag pa rin nagtatahi ng damit dito sa Taytay kung saan sya nagsimula.

Totoong kwento: totoong ang mga “lugar” na nabanggit, at kilala ko ang babae sa istorya… siya nga ang nagluto ng almusal namin kanina.

Bakit ko nga ba kailangan pang i-kwento? Ilang beses ko nang narinig ito nung araw, ngunit ‘di ko mapagtagni-tagni ang putol-putol na eksenang - di ko rin naman alam kung saan-saan nangyari. Parang alamat lang.

Pero ipinakwento ko ito muli noong mga nakaraang linggo. Inusisa ko ng konti at nalaman ang mga lugar na pinangyarihan, mga lugar na napuntahan ko at pamilyar sa akin sa mapa. Naging mas malinaw at may personal na kahulugan sa akin ang kwento…

Pwede ko ngang sabihin na may impluwensya ang “lugar at panahon” kung saan ka nabuhay, kung saan ka lumaki: sa kung naging ‘sino ka’, naging ‘ano ka’, oportunidad na dumating sa ‘yo, pananaw mo, at mga nangyari naganap sa ‘yo at sa ‘yong komunidad ayon sa kinalalagyan mo sa mapa.

PAG-IWAN NG BAKAS NG ALA-ALA

Alam natin ang bawat tao (at lugar) ay tuldok lang sa kasaysayan ng mundo. At sabi rin sa kanta (ng grupong Asin) na itong mga “tuldok ay may salaysay at may kahulugan, na dapat mapansin at maintindihan…”

Pinapangarap ng maraming tao (mayaman o mahirap) bago bumalik sa muli sa pagiging tuldok, na sana makaiwan ng positibong istorya sa buhay at bakas sa mapa; ito ay habang may nakakaalaala pa sa kanya; na makapag-iwan ng marka sa kasaysayang ng komunidad, para hindi mabaon sa limot, o mapabilang na lang sa mga kwentong kutsero.

“Our memories, they have to be passed down by those who knew us in life, in the stories they tell about us.”
-sabi ni Hector (Coco movie)

PARA SA LAHAT

>Minsan kailangan pang kumuha ng lakas ng loob para makapagsalita sa harapan ng ibang tao, pero mga boluntaryong pumunta ang ilang elderly sa harap para magbahagi ng saloobin at taos-pusong pagpasalamat.

Lagi kong sinasambit ang salitang “inclusive” patungkol sa mga proyekto ng pagma-mapa sa OpenStreetMap para sabihing “ito ay para sa lahat.”

Pero sa mas malalim na pagtingin sa salamin ng nakaraan, ngayon ko pa lang tunay na naintindihan ang salitang “para sa lahat” …mula sa puso, at mula sa mga labing may mensaheng nagkadama sila ng pagiging kabahagi - hindi lang ng isang komunidad, kundi ng ating lipunan.

Ang mapa at pagma-mapa at ay hindi lang tungkol sa nakasanayan aktibidad na paghanap ng pangalan ng lugar, pagdo-drawing kalsada, straktura, at mga bahay. Tunay ngang nagamit ito para i-kwento rin ang buhay, na syang nagiging tulay na nag-uugnay sa mga henerasyon.

Salamat.

Credits: pictures from Junior Philippine Computer Society & MiAmore Cares